Perfect Love

Simula ng lumabas ang Ragnarok Online (First MMORPG sa Pilipinas) noong 2003, nakahiligan ko na ang paglalaro ng online games. Hindi ko na nga mabilang kung gaano na kalaki ang nagastos ko at kung gaano nadin katagal ang ginugol kong oras sa paglalaro nito. Sadyang hindi mapantayan ng ibang bagay ang kasiyahan na hinahatid sa akin ng paglalaro ng online games. Naalala ko pa nga noong nagpakabit kami ng internet sa bahay, walang oras na hindi ako nakaharap sa PC para maglaro. Bilang ganti sa aking mga magulang na nagbabayad ng internet at kuryente namin, hindi dapat bumaba ang grado ko ng 80 pababa kung hindi ipapaputol nila ang linya ng internet sa bahay. Pinagbutihan ko ang pag-aaral hanggang makatapos ako ng High School. Pagtungtong ko sa kolehiyo napagisip-isip ko na umarte muna ng medyo mature kaya itinigil ko ang paglalaro ng isang taon.
Noong Second Year College, may mga naging kaklase akong mahilig din sa online games. Minsan ng nagkakwentuhan kami, may nabanggit silang bagong laro na parating dito sa Pilipinas. Sabi nila ay maganda ang laro na iyon, andun na daw halos lahat ng pinapangarap ng mga gamers sa isang laro. Ang pangalan ng online game na iyon ay Perfect World. Naintriga ako sa pagkakakwento nila sa laro kaya tulad nila inabangan ko ito ilabas dito sa Pilipinas. Noong August 04, 2009, nilabas na ang pinakahihintay naming online game. Nilaro ko agad iyon at gumawa agad ng karakter, nakakapanibago ang pakiramdam dahil narin siguro sa katagalan kong hindi naglaro. Tulad ng inaasahan maganda ang laro, natuwa ako sa mga kakaibang features nito. Nang matapos ang pag-aaral ko sa laro ng dalawang araw, napagdesisyonan ko nadin gumawa ng karakter na seseryosohin ko. Ang pangalan niya ay Cruci, isang Wu Xia(Warrior) – matipuno ang pangangatawan, kulay puti ang buhok at itim ang kanyang labi. Hangad ay kalakasan, nilaro ko ito hanggang makalapit ako sa lebel ng aking mga kaibigan.
Dito nagsisimula ang aming istorya…
Lumipas ang dalawang buwan ng paglalaro ko ng Perfect World, tulad ng ibang regular na manlalaro bumibisita din ako sa forum ng larong iyon. Litrato ng karakters at tips ng ibang manlalaro ang madalas kong tinitingnan doon, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon may nakita akong isang thread na patungkol sa ibat-ibang Friendster Accounts ng mga manlalaro. Sa totoo lang, nagkataon lang talaga na nacurious ako kaya sinilip ko ang nasabing thread. Habang binobrowse ko ang thread may isang nagpost na umagaw ng aking atensyon. May iba talaga akong naramdaman noong oras na iyon kaya inadd ko siya. Pagkaraan ng ilang araw ay inapprove nadin niya ako. Nag-iwan ako ng mensahe sa kanya at inantay ang kanyang sagot. Sumagot siya pagkaraan ng isang araw, sa wakas nalaman ko nadin ang in-game name niya, inabanagn ko siya sa laro subalit hindi ko talaga siya maabutan. Hindi ako nawalan ng pag-asa, at sa hindi inaasahang pagkakataon agad-agad ko siyang kinausap.

Ganito ang nagging pag-uusap namin:
Cruci: Hi.
Sylphrine: Hello.
Cruci: Ako nga pala yung nagmessage sayo sa Friendster, yung Pj.
Sylphrine: Ah, ikaw pala yun.
Cruci: Halos one week na kita inaabangan, buti naabutan kita.
Sylphrine: Talaga? Bakit naman?
Cruci: Ah eh, wala lang, gusto ko lang makipagkilala.
Sylphrine: Ah.
Cruci: May quest ka ba na hindi mu pa natatapos? Gusto mu tulungan kita? Wala din kasi ako ginagawa.
Sylphrine: Meron, kaso parang nakakahiya naman.
Cruci: Hindi, ok lang, wala talaga akong ginagawa.
Sylphrine: Sige, nasa Dragon Land po ako.

Nagkita kami nung oras na iyon sa Dragon Land. Dito ko din nakita ang kanyang karakter. Sylphrine ang pangalan niya, isa siyang Yu Ling(Priestess) – maputi, maganda ang pangangatawan, itim ang buhok, at may kulang berdeng eye shadow. Nang mga oras na iyon hindi padin talaga ako makapaniwala na nagkita na talaga kami. Sobrang saya ko talaga kahit hindi ko pinapahalata sa kanya. Nang matapos ang kanyang quest, siya ay nagpaalam na aalis kaya sinabi ko agad sa kanya n asana magkita pa ulit kami sa susunod na paglalaro niya. Inabangan ko siya araw-araw at dumalas din an gaming pagkikita. Unti-unti akong nahuhulog sa kanya sa hindi maipaliwanag na dahilan, pinasyal ko siya sa ibat-ibang lugar sa Perfect World. Hindi niya namamalayan na unti-unti ko siyang nililigawan. Tuwing nagkikita kami, iba talagaang pakiramdam ko, lahat ay nakakalimutan ko na parang napupunta ako sa isang lugar na ayaw ko na muling umalis.
Nang lumipas ang dalawa’t kalahating linggo ng panliligaw napagdesisyonan ko nadin ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko. Dinala ko siya sa Frost City (Isang lugar sa Perfect World na hindi matao), ang akala niya ay namamasyal lang ulit kami. Pagdating namin doon pinagisipan ko muna ulit ang gagawin ko, dun ko nalaman na buo na talaga ang loob ko kahit anu man ang kanyang isagot.

Ganito ang naging paguusap namin:
Cruci: May sasabihin ako sayo.
Sylphrine: Anu yon?
Cruci: —-Natahimik Saglit—- Pwede ba kitang mahalin kahit dito lang?
Sylphrine: —-Natahimik saglit tila hindi alam ang isasagot—-
Cruci: Gusto kasi talaga kita, Masaya ako kapag kasama ka.
Sylphrine: Sa totoo lang, im actually feeling the same way too.
Hindi ko maipaliwanag ang saya na naramdaman ko nung mga oras na iyon. Pakiramdam ko ako na ang pinaka-swerteng tao sa mundo.
Kinabukasan, nagkita ulit kaming dalawa subalit parang nakakapanibago yung pakiramdam na kayo na talaga. Tinanong ko siya kung anu ang gusto niyang tawagan naming. Nagbigay siya ng ilan sa mga alam niya at bandang huli napagkasunduan namin na “Nie” ang magiging tawagan namin. Natahimik ako, tila malalim ang iniisip. Bigla akong nagsalita at tinanong sa kanya na hanggang sa laro lang ba talaga ang magiging relasyon namin. Ang sagot niya ay oo, masyado daw kasing imposible sa totoong buhay dahil nadin siguro sa kalayuan naming sa isat-isa. Naging malungkot ang pakiramdam ko ng marinig ko iyon, ngunit inisip ko din na dapat maging masaya nalang ako kung ano man ang relasyon naming ngayon. Dinala ko siya sa Heaven Falls, kung saan iyon ang naging unang labas naming bilang magkarelasyon. Sinamantala ko ang oras na kasama siya, parang panaginip na ayaw ko na muling magising ang pakiramdam. Kahit na naiisip ko na hindi ko din naman siya matagal makakasama at darating din yung oras na mawawala siya. Hindi naging hadlang iyon para pigilan akong mahalin siya ng buong buo.
Umabot din kami sa punto na nakakausap at nakakatext ko siya sa cellphone. Masarap sa pandinig ang maganda niyang boses araw-araw. Hindi ko nga maramdamang kumpleto ang araw ko habang hindi ko siya nakakausap. Nakilala naming ang isat-isa ng mas malalim, subalit mahirap padin tanggapin ang katotohanan na magkalao kami. Ako ay taga-Kalokokan at siya naman ay taga-Tuguegarao. Kung susubukan mo magbyahe papunta sa kanila ay tiyak aabutin ka ng sampung oras sa kotse. Perfect World padin ang naging sagot sa pagkukulang na iyon. Namasyal kami ng namasyal na tila wala ng bukas.
Isang taon nanaman ang lumipas, parang wala padin nagbago, ganon padin ang estado ng aming relasyon. Minsan ng magkakwentuhan kami sa laro, bigla niyang nabanggit na possible kaming magkita kapag pumunta siya dito sa Maynila para asikasuhin ang kanyang mga papel. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko nung mga oras na iyon, pero isang bagay ang sigurado – masayang masaya ako. Binilang ko ang bawat araw na lumilipas sa kalendaryo. Eto na nga, dumating na ang araw na magkikita kami. Gumising ako ng maaga para ipaplantsa ang aking damit na susuotin. Agad-agad ko siyang tinext para ikumpirma kung saan at anung oras kami magkikita. Pinanuod ko ang bawat minutong lumipas. Umalis ako sa bahay ng medyo maaga para hindi mahuli sa aming pagkikita. Pagkadating ko doon ay tinext ko ulit siya at tsaka nagantay na siya ay dumating. Malayo palang ay nakita ko na siya, hindi man sigurado na siya iyon inantay ko padin siya lumapit. Habang palapit ay nagflaflashback sakin ang mga masasayang pagsasama namin sa laro. Tumigil siya malapit sa akin at ako naman ay napatayo, siya na nga talaga iyon, ay taong minahal ko ng isang taon sa laro ay nasa harapan ko na. Nagikot-ikot kami at sinamantala ang bawat minutong magkasama kami, tila panaginip ang pakiramdam ng mga oras na iyon. Nang dumating ang oras na kailangan niya na umuwi, hinawakan ko siya sa kamay at nagpasalamat. May binigay siya saking drawing ng aming karakter at hinalikan niya ako sa pisngi. Pag-uwi ko sa bahay inisip ko ulit ang aming naging pagsasama. Hindi padin ako makapaniwala sa aming naging pagkikita, parang ang hirap isipin na totoo talaga iyon. Simula noon, nagkita pa uli kami ng dalawa pang beses. Yung isa ay ng muli siyang nagbalik diyo sa Maynila at yung isa naman ay ng pinuntahan ko siya sa Tuguegarao.

Marami nadin kaming pinagdaan dalawa – mga problema, hindi pagkakaunawaan, tampuhan, mga kasalanan sa isat-isa (Mostly ako yun… hays), tawanan, masasayang pagsasama, mga cheesy moments, atbp. Humihingi ako paumanhin sa mga naging pagkukulang ko bilang isang boyfriend at sa mga naging kasalanan ko sa kanya dati. Ngayon, atleast alam ko na kung gaano siya kahalaga sa akin. Sana bigyan niya ako ng pagkakataon para mabawi lahat ng naging pagkukulang ko sa kanya. Nagpapasalamat talaga ako dahil nakilala ko siya. Siguro nga, nakaplano na ang lahat para kami ay magkakilala. Naging malaking parte siya ng buhay ko, hindi ko maimagine ang buhay ko kung hindi siya dumating sa akin. Eto na yata talaga ang sinasabi nilang True Love, kung saan handa mo gawin ang lahat para sa taong mahal mo. Sa wakas, masasabi ko nadin na nag mature na talaga ako. Naliwanagan na ako sa importansya ng pagmamahalan at kung papaano ito aalagaan. Balang araw kung pagbibigyan ako ni God gusto ko sana siyang maging kabiyak ko habang buhay.

Siguro nagtataka kayo kung bakit hindi ko nabanggit ang mga pangalan namin. Iniintroduce ko formally sa inyo ang sarili ko - ako nga pala si Singh, Parvej Insauriga, 20 years old at ang babaeng tinutukoy ko sa storya ay si Ma. Aurea Milanes Chua, 21 years old.

“Learn to cherish someone with all your heart, even if your oceans away from each other - for love will always find a way”
-Cruci
LOVE YOU SO MUCH NIE… <3


